Pilipino ako sa Isip, sa Salita at sa Gawa
ni:
Alvin B. Detera
BSED-2
Ano nga ba ang sukatan ng pagiging isang Pilipino? Maibibilang ba ang aking sarili sa tinatawag na Pilipino? Ilan lamang iyan sa mga katanungang pilit gumagalugad ng tiyak na kasagutan. Kasagutan na magsisilbing tagabuo sa kulang-kulang na ideya hinggil sa pagiging isang Pilipino. Pilipino na sumasalamin bilang isang tanglaw sa daan patungo sa inaasam na tagumpay.
Pilipino ang nagbubuklod ng mga damdaming kasisinagan sa hinaharap ng bansa. Pilipino na tagabuo ng pangarap at nagsisilbing instrumento sa susunod na henerasyon. Pilipino na magbibigay linaw sa tunay at damdaming maka-Pilipino.
Sa pagdaan ng mga araw, hindi mapapasubalian na tila nalilihis na ang landas ng mga Pilipino. Hindi maitatanggi na tila hindi na naisasapuso ang mga kaugaliang minana sa ating mga ninuno. Pilit inaaksaya ang panahon sa pagtangkilik ng gawang dayuhan ni animo’y Diyos kung sambahin ito. Inuubos ang oras sa mga bagay hatid ng ibang bansa kaysa isaisip ang hirap at sakripisyong ibinubuhos ng mga manggagawang Pilipino para sa ispesipikong produkto.
Paano nga ba maipapakita at maisasapuso ang pagiging isang Pilipino? Isa itong katanungang naghahanap ng konkretong kasagutan noong simula’t sapol ng ako’y magkamulat at magkaroon ng tamang pag-iisip sa mundong aking kinabibilangan, katanungan na nagsisilbing hamon sa akin upang patunayan na ako ay tunay na Pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa.
Sa dugo at kulay pa lamang, maging sa buhay at gawain ay buong-buo akong kasisilayan ng pagiging isang Pilipino. Kakikitaan ng pagkabusilak ng kalooban kagaya ng mga bayaning Pilipino na may giting at lakas ng loob sa pagharap ng mga hamon sa buhay. Ako ay isang Pilipino na may dangal sa gawai’t hangad na nagsisilbing sagisag sa landas ng bansa.
Isa akong Pilipino sa isip na dinadaluyan ng dugong makabayan. May matatayog na paninindigan na tila hindi maibubuwal dahil ito’y binigkis ng pangarap at prinsipyo ng tunay na Pilipino. Sinusubukan na hindi magbubulagbulagan bagkus iminulat ang sariling kaisipan na huwag magpapa-alipin sa diwang dayuhan. Pinatunayan sa sarili na ang pagiging Pilipino ay hindi mangmang samakatwid ay kakikitaan ng karunungan na magsisilbing sandata sa kalayaan.
Isa akong Pilipino sa salita na kapag binigkas ang Pilipinas ay hindi lamang tahanan ng lahi bagkus ay taga-kupkop at handang tumulong sa kapwa Pilipino sa pagkamit ng lakas at ng dangal. Isang Pilipino na may isang salita na kakikitaan ng katapangan ng sa gayo’y hindi basta makintal sa isipan ng dayuhan na ang Pilipino ay talunan.
Isa akong Pilipino sa gawa upang maisagawa ang samu’t saring mithiin tungo sa pagtamo ng demokrasya. Tulad ng ating bayani na isinagawa ang kahalagahan ng pagkaka-isa at pagiging nasyonalismo. May talino at lakas ng loob na isagawa ang mga hangarin na naging sandata na naghatid sa kanilang wakas.
Ikinagagalak kong ako ay kabilang sa mga taong kakikitaan ng pag-asa. Ako ay ipinanganak bilang ako. May dugong Pilipino at aking ipinagmamalaki, ako ay Pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa.